Sabi ni Pepe, "Touch me not"--
Masyado kasing maselan
Ang paksa na parang sugat,
Makirot 'pag nahawakan
Ngunit ang sabi ko naman,
"Touch me now! Touch me now!"--
'Di na kasi maiwasan
Na ang nana ay umapaw
Anong meron kay Bathala
Na labis pakaingatan?
Dahil ba s'ya ang may gawa
Ng lahat sa sinukuban?
O dahil lang sa simbahan
Na 'lagi lang nananakot?--
Baka naman ayaw n'yo lang
Mabilang sa mga 'salot'?
'Di n'yo ba kayang mabuhay
O maging mabuting tao
Nang walang anumang gabay
Kundi kat'wiran at puso?
Kayo'y magpakatotoo
Sa ngalan ng panginoon
Na kayo'y sumasaludo
Sa sarili ninyong poon
Kailangan bang magdasal
O magpasalamat sa Diyos
Para matuto ng aral
At mabigyan ng limos?
Ba't babalik pa si Hesus?
Ba't magugunaw ang mundo?
Upang ang di matutubos
Ay pupunta sa impiyerno?
Nakapagtataka nga lang
Kayo'y labis kung maghari
Habang kayo'y aba lamang
Ngunot uhaw sa papuri
Lalo na ang mga pari
Na hitik sa kaban-alan
Sala n'yo ay sinusuri
Kanila'y pinagtatakpan
May buhay ba sa pagsamba
Kung maraming namamatay?
Para raw sa Allah nila
Bomba at ulo ang alay
Maganda kung matiwasay
Ang lahat ng relihiyon:
Una sa lahat ay buhay,
Pangalawa ang opinyon
Nandito ang eyteyismo
Para sa bagong simula--
Malawakang pagpaplano
Ng paglilitis sa paksa
Tiyak kayo'y mabibigla
Na Diyos ang tanging sugat
Maghilom man o mawala
Pagpanaw ng Diyos ang peklat
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento